LEGAZPI CITY – Dead on arrival ang asawa habang nasa kritikal na kondisyon naman ang dalawang anak na menor de edad matapos pagpapaluin ng padre de pamilya sa Barangay Francia, Virac, Catanduanes.
Una rito nakatanggap ng tawag ang hotline ng Virac PNP mula sa isang concerned citizen may kinalaman sa mag-asawang nag-aaway.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Antonio Perez, Hepe ng Virac PNP, sinabi nito na sa pagresponde ng kapulisan naabutang nakahandusay at duguan na ang katawan ng mga biktima.
Subalit nang lapitan ito ng mga otoridad nakitang nagtatago sa madilim na bahagi ng bahay ang suspek.
Kaugnay nito, nagpakilala ang pulisya at hinikayat ang padre de pamilya na sumuko at dumapa subalit nanlaban ito rason para paputukan ng baril kung saan nagtamo ito ng tama sa katawan.
Dito na naaresto ang suspek at dinala sa ospital para sa atensyon medikal kasama ang mga biktima subalit ang ina ng mga bata ay idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Perez, nagtamo ng sugat sa ulo, mukha at iba pang bahagi ng katawan ang mga biktima dahil sa dos-por-dos na kahoy na pinampalo ng suspek.
Napag-alamang umiinom ng gamot para sa depression ang suspek subalit bumalik ang sakit matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly sa lalawigan.
Samantala, mismong ang Virac PNP na ang magsasampa ng kasong Murder, Frustrated Parricide (2 Counts) at Assault upon Agent in Authority sa naturang suspek.