(Reuters Photo/File)

Inaresto sa US ang asawa ng nakakulong na si Mexican drug cartel leader Joaquin “El Chapo” Guzman dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot sa international drug trafficking.

Kinumpirma ng US Department of Justice ang pagdakip kay Emma Coronel Aispuro, 31 sa Dulles International Airport sa Virginia.

Nakatakda namang humarap sa korte si Coronel sa Mierkules (oras sa Pilipinas).

Nahaharap si Coronel sa kasong may kinalaman sa pagbebenta at pag-aangkat ng heroin, cocaine, marijuana at methamphetamines, papasok sa United States.

Inaakusahan rin si Coronel sa pagtulong upang makatakas ang asawa nito noong 2015 sa Altiplano prison sa Mexico, sa pamamagitan ng paghuhukay ng isang milyang haba ng tunnel mula sa kaniyang selda.

Bigo naman itong makatakas sa ikalawang pagkakataon matapos na malaman ng mga otoridad ang plano noong Enero 2016.