LEGAZPI CITY – Pinaigting pa ng Philippine Army ang pagbabantay sa Bulusan, Sorsogon matapos ang insidente ng pagkasawi ng mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA).
Nauwi sa pagkamatay ni Ian Dreu Estrellado alyas “Ka Ela”, 32-anyos at residente ng Brgy. San Bernardo ang pagsisilbi sana ng mandamiento de aresto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Capt. John Paul Belleza, nagtungo sa area ang team ng Police Regional Office 5 (PRO5) at 31st Infantry Battalion (31IB) subalit natiyempuhan na kasama ni Estrellado ang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalang NPA members.
Nagkapalitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa mapaslang si Estrellado habang wala namang nasugatan sa tropa ng pamahalaan.
Nakuha pa sa pinangyarihan ng insidente ang isang carbine na may dalawang magazines at hand grenade.
Napag-alaman na si Estrellado ay nahaharap sa kasong murder at positibong itinuro ng mga dating kasamahan bilang vice commanding officer ng Platoon 1, Larangan 1, Komiteng Probinsya 3 sa Bicol Regional Party Committee (BRPC) na gumagamit ng mga pangalang Ela at Karding.
Pinaghahanap naman ang iba pang kasama nito kasabay ng panawagan na magbalik-loob na lamang sa batas at nang makabalik na sa lipunan.