LEGAZPI CITY – Personal na nag-ikot sa mga nasasakupang barangay ang alkalde ng Sto. Domingo, Albay upang mag-abiso sa preemptive at mandatory evacuation ng mga residente sa mga delikadong lugar sa banta ng Bagyong Tisoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Jun Aguas, unang inilikas ang mga residente mula sa coastal barangays kaugnay ng pinangangambahang daluyong o storm surge.
Umaabot na sa 2, 495 pamilya ang inilikas mula sa 17, 000 na pamilya na nasa risk-prone areas sa posibleng pagdaloy ng lahar mula sa Bulkang Mayon, pagbaha at pagguho ng lupa.
Ipinagpapasalamat naman ng alkalde ang kusang-loob na pagtungo ng ilang nasasakupan sa designated evacuation centers habang maging ang simbahan at ilang pribadong kabahayan ang pumayag na patuluyin ang mga kababayan hanggang sa humupa ang bagsik ng sama ng panahon.
Subalit sa mga magmamatigas na hindi sumunod, inatasan na ni Mayor Aguas ang hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station na arestuhin ang mga ito.
Samantala, advance na rin umano ang pagkuha ng relief goods ng lokal na pamahalaan upang hindi maging pahirapan ang pagbiyahe lalo na kung may mga kalsadang hindi madaanan.