LEGAZPI CITY – Mas inirerekomenda ng Albay Provincial Public Safety and Emergency Management Office sa mga lokal na pamahalaan na mas paghandaan ang posibleng epekto ng La Niña sa lalawigan sa mga susunod na buwan.
Kasunod ito ng forecast ng state weather bureau na magsisimula nang humina ang El Niño phenomenon at pwedeng bumalik ang neutral conditions sa Abril, Mayo at Hunyo 2024.
Subalit mayroong “increasing probability” ng La Niña na magsimula sa Hunyo-Hulyo at Agosto ng kasalukuyang taon.
Dahil dito ayon kay APSEMO Head Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dapat na magsimula na sa paghahanda sa posibleng epekto ng La Niña na maaaring magdala ng matinding pag-ulan at bagyo sa mga susunod na buwan.
Sinabi nito na una ng nagkaroon ng preventive measure para sa El Niño noon pang nakaraang taon na posibleng short duration lang ang magiging epekto.
Hindi naman binabalewala ng tanggapan ang mga natanggap na ulat kaugnay sa mga naitalang danyos sa sektor ng agrikultura dulot ng matinding init ng panahon partikular na sa mga bayan ng Pio Duran, Camalig at Libon.
Isasailalim aniya ito sa validation upang makapagrekomenda ng rehabilitation support at kung nararapat talagang isailalim sa state of calamity ang bayan ng Pio Duran.
Samantala, muling binigyang diin ni Daep na dapat magsimula na sa paghahanda sa epekto ng La Niña na makakaapekto hindi lang sa sektor ng agrikultura kundi sa maraming mga residente.