LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Albay Power and Energy Corporation (APEC) na seryoso ang kampanya laban sa illegal connection.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng power firm ang pagbibigay ng reward sa mga bukas na makipagtulungan sa nilalayong mahuli ang mga sangkot sa mga nasabing aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APEC public affairs consultant Patricia Gutierrez, may tatlo umanong pangunahing epekto ang patuloy na illegal connection mula sa system loss, dahilan ng sunog at mga biglaang power interruption.
Sa ilalim ng Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994, makakatanggap ng P5, 000 na reward ang tumulong sa pagkakabunyag ng illegal connection.
Paliwanag ni Gutierrez, nasa 10% lamang ng system loss ang pinapayagan ng batas na ipasa sa mga consumers subalit umaabot sa 19 hanggang 20% ang lumalabas sa tala ng APEC kaya’t sa korporasyon ang bagsak ng pagkalugi.
Magagamit umano ang naturang halaga sa pagbili ng mga gamit upang maisaayos ang serbisyo sa mga Albayano.
Samantala, kinumpirma naman ni Gutierrez na may mga nagbigay na ng impormasyon subalit tumanggi nang ihayag ang detalye ng mga ito.