LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Albay Power and Energy Corporation (APEC) sa pagtitipid sa kuryente matapos ang abiso sa dagdag-singil sa kuryente para sa Hulyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APEC spokesperson Pat Gutierrez, inaasahan na ang reklamo mula sa mga konsumidor.

Subalit ang nasabing pagtaas ay dati na umanong ipinaalala na mag-aadjust ang singil depende sa presyo ng fuel sa world market.

Ayon kay Gutierrez upang mabawasan ang konsumo, dapat na magtipid kagaya na lang ng pag-“off” ng mga appliances na hindi ginagamit.

Sa nalalapit na face-to-face classes, payo na huwag magplantsa kung alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga maging kung alas-4:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi na itinuturing na may “peak load”.

Marami umano ang demand sa kuryente sa mga nasabing oras.

Imbes, pagsabay-sabayin na lamang ang pagplantsa sa tanghali matapos kumain na kaunti ang gumagamit ng kuryente.

Hiling naman ni Gutierrez ang pang-unawa sa mga nangyayaring intermittent brownouts sa ilang lugar na tumatagal ng isa hanggang dalawang minuto.

Patuloy umano kasi ang isinasagawang paglilinis o clearing at correction ng load ng kuryente para sa ikabubuti ng serbisyo sa mga Albayano.