LEGAZPI CITY – Masayang ibinahagi ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) ang iniaalok na amnesty program para sa mga delinquent member consumers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APEC spokesperson Pat Gutierrez, ninanais ng nasabing programa na hindi gaanong mabigatan sa pagbabayad ang mga miyembro na may malalaking utang sa power firm.
Karaniwan kasi umanong pinapatawan ng penalty o surcharges ang principal amount ng arrears ng mga matagal nang hindi nakakabayad.
Subalit sa ilalim ng programa kung ano ang principal amount, ito lamang ang buong babayaran sa ilalim ng amnesty program.
Sa mga bigo namang makapagbayad, nagpapatuloy ang malawakang pagputol ng serbisyo ng kuryente o disconnection.
Sa kasalukuyan ayon kay Gutierrez, hindi pa malinaw kung kailan pasisimulan ang programa subalit tiniyak ang agad na pagpapabatid nito sa publiko.
Hinikayat naman ng pamunuan ng APEC ang pakikipag-ugnayan sa APEC Business Centers malapit sa lugar at hanapin ang Consumer Welfare Desk Assistant para sa ilan pang paglilinaw.