LEGAZPI CITY – Patay ang apat na katao habang isa naman ang sugatan matapos na sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Barangay Concepcion, Virac, Catanduanes.
Kinilala ang mga biktima na maglive-in partner na sina Rosemarie Buentiempo, 28; Jzar Estacio, 25 at mga anak nito na sina Klyne, 7 at Mix, 3 anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay FInsp. Marlon Vargas, fire marshal ng Virac BFP, bandang alas-2:30 ng umaga ng mangyari ang sunog na pinaniniwalaang nagmula sa bodega na may mga nakaimbak na tela.
Mabilis ang naging pagkalat ng apoy kung kaya’t hindi na naisalba pa ang mga biktima na natutulog umano ng mangyari ang insidente.
Nakaligtas naman matapos na makalabas sa nasusunog na bahay si Benzon Buentiempo, 37-anyos na nagtamo naman ng mga paso sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na problema sa electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.