LEGAZPI CITY – Sinampahan na ng patong-patong na kaso ang apat na High-Value Targets (HVT) matapos ang matagumpay na drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforment Agency (PDEA) Sorsogon sa Barangay Bulabog, Sorsogon City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDEA Sorsogon Provincial Director Adrian Fajardo, nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang kanilang hanay katuwang ang ibat-ibang unit ng Philippine National Police Sorsogon at Naval Forces Southern Luzon na nagresulta sa pakaka-aresto ng mga suspek at pagkakabuwag ng drug den sa lugar.
Nakumpiska rin sa mga ito ang humigit kumulang 13 grams ng pinaniniwalaang illegal na droga na nagkakahalaga ng P88,407.
Nahaharap ngayong ang apat na suspek sa paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, and 12, ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Itinuturing itong malaking tagumpay ng tanggapan dahil kamakailan lamang ng ideklara ng PDEA Bicol ang Sorsogon City bilang kauna-unahang lungsod sa rehiyon bilang drug cleared.
Dagdag pa ni Fajardo na hindi naman umano ito makaka-apekto sa drug cleared status ng lugar bagkus ang kooperasyon ay makakatulong sa sustainability ng lungsod sa pag-laban sa illegal na droga.
Samantala, nanawagan ngayon ang PDEA Sorsogon na sa pakikipag-tulungan at suporta ng komunidad na mabawasan ang pagpasok ng illegal na droga sa lalawigan.