LEGAZPI CITY-Nasawi ang apat na miyembro ng NPA sa Bicol region matapos ang magkakasunod na hiwalay na operasyon ng 9th Infantry Division Philippine Army.
Una na rito ang pagkakapaslang sa dalawang miyembro ng New People’s Army sa Barangay San Roque, Esperanza, Masbate matapos ang 15 minuto na sagupaan ng 2nd Infantry Battalion at walong miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla-South, Sub-regional Committee-4.
Sinundan ito ng pagkakapaslang sa isa pang NPA lider sa nangyaring engkwentro sa probinsya ng Camarines Sur. Kinilala ang namatay na si alyas “Disan,” “Joey,” at “James” na siyang lider ng Front Operational Command ng Sub-regional Committee-2.
Tumagal din ng 10 minuto ang palitan ng putok mula sa rebeldeng grupo kontra sa mga otoridad.
Samantala, namatay din ang isa pang NPA member sa nangyaring engkwentro sa Barangay Igang, Masbate City.
Tinatayang aabot sa 15 armado ang nakasagupa ng mga otoridad. Naiwan naman ang ilan sa mga matataas na kalibre ng armas at iba pang kagamitan nito sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro.
Ayon sa 9ID, patunay umano ang kanilang tagumpay sa patuloy na kooperasyon ng mamamayan at kasundaluhan.
Hinihikayat naman ng 9th Infantry Division Philippine Army ang lahat ng publiko na patuloy pa rin na makipagtulungan sa mga otoridad at ireport ang ano man na mga kahina-hinalang mga aktibidad upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa lugar.