LEGAZPI CITY—Nailigtas ng mga awtoridad ang apat na mangingisda matapos na mapadpad sa baybayin ng Barangay Tubli, sa bayan ng Caramoran, Catanduanes dahil sa nararanasang sama ng panahon.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Caramoran Head Gener Torzar, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nasabing apat na indibidwal ay mula sa Mercedes, Camarines Norte at sa kasalukuyan ay nakausap na umano nila ang kanilang mga kaanak na sila ay nasa ligtas na lugar.

Dagdad ng opisyal na posible umanong nakapasok sila sa Maqueda Channel dahil sa malakas na hangin dulot ng Bagyong Nando at habagat hanggang sa ang mga ito ay makarating sa baybayin ng Caramoran.

Aniya, kasalukuyang nananatili sa Barangay Sabangan ng nasabing bayan ang mga nasagip na mangingisda at hinihintay pa ang na maayos ang makina ng kanilang bangka upang makabalik na sila sa Camarines Norte.

Samantala, nakahanda rin aniya ang kanilang opisina na magbigay ng tulong sa mga ito kung kinakailangan ang kanilang tulong.