LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng lokal na gobyerno ng San Andres sa Catanduanes ang parusang maaring ipataw laban sa apat na kataong iligal na pumuslit papasok sa lalawigan lulan ng isang bangka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay San Andres MDRRMO Assisstant Officer Mark Anthony Gianan, naharang ng Philippine Coast Guard ang bangkang sinasakyan ng mga naaresto na wala umanong naipakitang dokumento ng hingan ng mga otoridad.
Dahil dito agad silang dinala sa MDRRMO Pandan kung saan isa sa mga ito ay nagpositibo sa isinagawang antigen test.
Sa ngayon mahigpit na binabantayan sa pasilidad ng bayan ang apat na hindi na pinangalang magkakaanak na biyahero na nabatid na mula pa sa Sampaloc, Manila, at sumakay ng bangka mula sa Sorsogon papasok sa Catanduanes.
Mahigpit naman ang payo ng opisyal sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols at dumaan sa border checkpoints upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID 19 sa lalawigan.