LEGAZPI CITY—Apat na indibidwal ang arestado sa isinagawang anti-illegal mining operation sa Sitio Daganganan, Barangay Agban, Baras, Catanduanes.

Ayon kay Baras Municipal Police Station, Deputy Chief of Police Police Executive Master Sergeant Crisostomo Avila, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Baras Municipal Police Station katuwang ang Catanduanes 1st Provincial Mobile Forces Company at ilang tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Catanduanes.

Ang mga naaresto ay dalawang mag-asawa at residente ng Virac, Catanduanes.

Ayon sa opisyal, naimbitahan umano itong magmina sa lugar ng Baras, Catanduanes.

Aniya, nakita umano ang mga nasabing indibidwal na nagmimina at naghuhukay sa isang ilog sa nasabing barangay.

Dagdag pa ni Avila na kahit hindi masyadong malalim ang paghuhukay ng mga naturang indibidwal ay ipinagbabawal pa rin ito at nasa loob ng parametro ng Republic Act No. 7076 o People’s Small-Scale Mining Act of 1991.

Maliban dito, nang hinihingian ng mga kaukulang papeles ang mga indibidwal ay nabigo ang mga ito na magpakita ng anumang dokumento o permit mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno na magpapatunay sa legalidad ng kanilang pagmimina.

Nasamsam sa lugar ng operasyon ang mga kagamitang ginagamit umano sa ilegal na pagmimina kagaya ng apat na piraso ng improvised wooden gold pan, tatlong improvised sluice box, tatlong pala, tatlong bareta, at isang vial na naglalaman ng 0.1 gramo na gold particulate

Samantala, agad na ipinaliwanag sa mga inaresto ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at the Anti-Torture Act, gamit ang wikang naiintindihan nila.