LEGAZPI CITY—Apektado ang apat na barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon matapos ang pagputok ng Bulkang Bulusan noong Lunes, Abril 28, 2025.


Ayon kay Juban Sorsogon Incident Management Team Public Information Officer Arian Aguallo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa apat na barangay, dalawa sa mga ito ang matinding naapektuhan partikular na ang Barangay Buraburan at Barangay Puting Sapa.


Apektado rin ng nasabing phreatic eruption ang iba pang bahagi ng dalawa pang natitirang barangay.


Dagdag pa ng opisyal, natapos na ang clearing operation sa mga kalsada sa bayan dahl na rin sa ibinugang abo ng bulkan.


Sa kasalukuyan, 66 na pamilya o katumbas ng 234 na indibidwal mula sa Barangay Puting Sapa ang inilikas na sa Juban Evacuation Center.


Sinabi ni Aguallo na mayroon pa silang sapat na resources at patuloy na nagsisipagdatingan ang mga tulong para sa mga apektadong residente.