LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng grupo ng mga magsasaka ang planong imbestigasyon ng Senado sa naiulat na bentahan ng bigas ng National Food Authority o NFA sa ilang mga negosyante sa mababang presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazp kay AMIHAN National Federation of Peasant Women Chairperson Zenaida Soriano, walang mandato ang naturang ahensya na magbenta ng bigas dahil tanging papel lamang nito ay bumili para sa buffer stock.
Hindi rin aniya makatwiran ang paliwanag ng National Food Authoriy na kaya ibenenta ang mga nakaimbak na bigas sa bodega sa mababang halaga at hindi duman sa bidding ay dahil malapit ng masira.
Subalit sinabi ni Soriano na may iba pang paraan tulad na lamang ng pagbebenta nito lalo na sa mga mahihirap.
Napag-alaman na binili ng naturang ahensya ang bigas ng nasa P23 kada kilo at ibenenta lang sa halagang P25 kada kilo..
Binigyang-diin ni Soriano na hindi malabong resulta ng Rice Tarrificaton Law ang naturang anomalya sa National Food Authority.
Nangangahulugan lang aniya ito na napapanahon na upang ibasura ang naturang batas na wala namang silbi mbes patuloy lang na nagbibigay ng pahirap sa mga magsasaka at ordinaryong mga mamamayan.
Ayon kay Soriano, nagiging ugat lamang ito ng korapsyon ng ilang ahensya ng gobyerno.