LEGAZPI CITY – Kinondena ng Animal Rights Group ang pamamana sa isang alagang pusa sa lungsod ng Tabaco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ednalyn Cristo ang Head Volunteer ng Tabaco Animal Rescue and Adoption, humingi ng tulong sa kanilang tanggapan ang mga amo ng pusa na may pangalang “Hasbas” na umuwi na lamang sa kanilang tahanan na may sugat sa paa at may nakatusok na pana sa tagiliran.
Agad naman na tumulong ang grupo na nagdala ng pusa sa beterinayo subalit hindi ito maisailalim sa operasyon dahil sa delikadong posisyon ng pana na umabot na sa baga.
Mayroon rin na kawil ang pana na bumaon sa katawan nito kung kaya mahirap na tanggalin.
Subalit pursigido ang animal rights group at ang amo ni Hasbas na maoperahan ito kung kaya hinihintay na sa ngayon ang isang beterinaryong eksperto na nangakong magsasagawa ng operasyon.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon ng grupo na posibleng sinadyang panain ang pusa mula sa malapitang anggulo base sa posisyon ng pana na nakatusok dito.
May suspek na rin ang mga amo ni Hasbas na isang kabarangay na kilalang may ari ng pana.
Sa ngayon nakatutok na muna ang animal rights group sa pagpapagamot sa pusa subalit nangako itong sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Ac No. 8485 o “The Animal Welfare Act of 1998” ang nasa likod ng pamamana.