LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagkondena ang grupong Bantay Animal Welfare (BAW) Albay laban sa ilang mga supporters ng kandidato na naglalagay ng campaign materials maging sa kanilang mga alagang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Paula Laine Marbella ang Chairperson ng BAW Albay, nabahala umano ang kanilang grupo sa nakitang ilang post sa social media kung saan ginawa ng campaign materials ang kanila mismong aso.
May ilan na naglagay ng sticker sa kanilang alaga habang ang isa naman mula sa Camarines Sur ay ginupitan pa ang balahibo at kinulayan ng pink saka nilagyan ng pangalan ng kandidato.
Ayon kay Marbella, malinaw na may naganap na animal cruelty sa insidente habang isa rin itong paglabag sa election resolution ng COMELEC.
Sa ngayon, inilapit na ng grupo sa Philippine Animal Welfare Society ang insidente habang mahigpit na pinaalalahanan ang publiko na wag na itong gawin pa sa kanilang mga alaga.