LEGAZPI CITY – Napakasakamay na ng mga awtoridad ang anim na pinagsususpetsyahang mga magnanakaw sa mga malalaking tindahan at establisyemento sa lungsod ng Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Seguridad Kaayusan Katranquilohan Kauswagan (SK3) Head Arnel Anchinges, matagal ng nasa ilalim ng kanilang surveilance ang nasabing grupo na nauugnay sa serye ng mga pagnanakaw hanggang sa matyempuhan at mahuli.
Malalaking establisyemento umano ang tinatarget ng grupo at iba pang mga market vendors sa City Public Market, maliban pa riyan ay may ilang mga indibidwal na rin nabiktima ng kanilang modus.
Dagdag pa ni Anchinges, binubuo ng pitong mga indibidwal ang grupo ngunit nakatakas ang isa kung kaya’t anim lamang ang kanilang naaresto.
Agad namang itinurn-over ng SK3 sa Sorsogon City Police Station ang mga suspetyado habang hinahanda ang mga kaso mula sa mga naging biktima nito.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng pulisya ang mga tinuturong suspek para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, nagpaalala naman si Anchinges sa publiko lalo na kung nasa matataong lugar na maging ma-ingat at alerto upang hindi mabiktima ng mga masasamang-loob