LEGAZPI CITY – Pinasalamatan ng transport group na PISTON ang tulong ng mga pribadong indibidwal at mga artista sa mga jeepney driver na hindi pa nakakabalik-pasada hanggang sa ngayon dahil sa restrictions sa ilalim ng community quarantine.
Una nang nabatid na ilan sa mga ito ang nanlilimos na lamang upang maituloy ang buhay sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PISTON National President Emeritus George San Mateo, partikular na tinukoy nito sina Kim Chiu at Angel Locsin na sumasama pa minsan sa mismong pag-aabot ng ayuda.
Malaking bagay umano ang mga inisyatiba na ito bilang donasyon sa mga driver na apektado ng lockdown.
Sa muli, iginiit naman ni San Mateo ang apelang maibalik na sa normal ang sitwasyon at huwag nang gutumin ang mga driver at pamilya ng mga ito.
Subalit aminado rin si San Mateo na malabo pa ang eksaktong petsa sa pagbabalik-pasada dahil pabago-bago rin ang mga pahayag ng mga opisyal ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transportation (DOTr) at mismong ng Palasyo Malakanyang.