LEGAZPI CITY – Hindi pa rin makapaniwala hanggang sa ngayon ang tubong Guinobatan, Albay na si Christopher Mar matapos na mabatid na ikawalo ito sa may pinakamataas na rating sa katatapos pa lamang na October 2019 Chemical Technician Licensure Exam.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mar, nakalimutan pa umano niyang maghapunan sa kasabikan na mabatid ang resulta lalo nang malamang 8th placer siya sa 89.50% rating.
Napatalon rin aniya sa katuwaan maging ang lola na edad 75-anyos na habang sobrang proud naman ang mga magulang nitong magsasaka.
Ikaapat si Mar sa anim na magkakapatid na itinaguyod ng mga magulang ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagsasaka.
Nang magkaroon ng trabaho ang mga nakatatandang kapatid, tumulong rin ang mga ito upang makapagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Chemical Engineering sa Bicol University.
Pagbabahagi pa ni Mar na hindi naging madali ang buhay sa kolehiyo dahil sa mga pagkakataong nagkaroon rin ng “dropped subjects” at pagsusulit na hindi naipasa subalit pinag-igihan pa ang pag-aaral.
Nais naman ni Mar na magsilbing-inspirasyon sa mga hikahos sa buhay na magsikap upang makamit ang pangarap at magtagumpay.
Samantala, patuloy naman ang pagrereview ni Mar para sa pagkuha ng Chemical Engineering Board Exam ngayong darating na Nobyembre.
Nagpasalamat rin ito sa Panginoon sa “bonus” na ipinagkaloob sa kaniya.
Bukod kay Mar, nakapwesto rin bilang ika-walo si Querubin Padura Gapas (89.50%) at ikasiyam si Quennie Marie Bañares (89.00%) sa parehong pagsusulit na pawang graduate ng Bicol University.