LEGAZPI CITY – Suportado ng ilang grupo ng mga guro ang plano ng Department of Education na magkaroon ng klase tuwing araw ng Sabado upang mas mabilis na maibalik ang dating school calendar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, sinabi nito na pinakinggan ng agensya ang kanilang mga panawagan na maibalik ang dating school calendar na nagsisimula tuwing Hunto hanggang Marso at natatapat ang bakasyon tuwing tag-init.
Subalit posible aniyang kulangin ng 15 araw sa number of school days kaya nagpasya ang ahensya na magkaroon ng pasok kahit pa Sabado upang makumpleto ang 180 araw ng klase.
Ayon kay Quetua na mas mainam na ang kaunting sakripisyo ng mga guro at mag-aaral kaysa magtiis sa matinding init ng panahon tuwing summer season kung saan karaniwang nakakansela naman ang pasok.
Subalit nanawagan ang grupo na matutukan naman ng pamahalaan ang iba pang mga pangangailangan ng mga paaralan tulad ng pagsasaayos ng mga nasirang classrooms, pagbili ng kinakailangang mga kagamitan at karagdagang mga guro.
Iginiit ng opisyal na kahit pa maibalik ang dating school calendar ay hindi pa rin maisasaayos ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kung kulang ang suporta mula sa pamahalaan.