LEGAZPI CITY- Iginiit ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi pa handa ang mga paaralan sa pagpapatupad ng full face-to-face ngayong araw, Nobyembre 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACT Chairperson Vlademir Quetua, marami pa aniya ang kulang na mga silid-aralan kaya hindi pa kakayanin ang pagpapatupad ng limang araw sa isang linggo na pasok.
Ang data na nakuha ng grupo sa unang pasukan noong Agosto ay nagpapatotoo aniya na hindi pa handa ang education department lalo pa at lumalabas na halos 29,000 pa ang mga paaralan na nagpapatupad ng distance learning.
Karamihan sa mga ito ay kulang sa pasilidad, gamit, mga upuan, at classroom kaya hindi kayang makapag accomodate ng maraming bilang mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Quetua na mas nadagdagan pa ang kawalan ng classroom ngayon matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa national government at Department of Education (DepEd) na bigyan ng atensyon ang problemang kinakaharap ng mga paaralan upang maabot ang target nito na makabawi sa dalawang taon na eduactaional loss dahil sa pandemya.