LEGAZPI CITY – Personal ng humingi ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Rapu-Rapu sa Albay sa Department of Energy upang maresolba ang kinakaharap na problema ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Ronald Galicia, nakausap niya mismo sa telepono si DOE Sec. Alfonso Cusi upang mapagbigyan ang kahilingan sa Albay Power and Energy Corporation na dapat tanging ang mga residente lamang na hindi nakakapagbayad ng utang ang putulan ng kuryente.

Diin nito na imposibleng mabayaran sa isang iglap ang kahit 50% sa P32 million na pagkakautang ng buong isla lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya.

Kahit aniya anong piga ng APEC sa mga konsumidores kung wala namang maibayayad ay wala ring mangyayari.

Sa kabila nito ang power supplier pa rin aniya ang magdedesisyon kung pagbibigyan ang hinihinging pabor na tanging ang mga may utang lang ang putulan ng power supply at hindi ang buong isla.

Mamayang tanghali ay nakatakda muli ang total shutdown ng suply ng kuryente sa buong Rapu-Rapu oras na di masolusyunan ang naturang usapin