LEGAZPI CITY – Nakatakdang umapela ngayong araw si Legazpi City Mayor Noel Rosal sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na palawigin pa ang umiiral na Enhanced Community Quarantine sa lungsod hanggang Mayo 15.
Ito ay matapos na maitala ang dalawang panibagong nagpositibo sa coronavirus disease mula sa lungsod.
Isang 28-anyos na babaeng health worker ang ika-36 na nagpositibo sa Bicol na nag-umpisang magkasakit noong Marso 30 habang 54-anyos na lalaking frontliner ang ika-37 COVID-positive.
Ayon pa kay Rosal, hindi pa handa ang lungsod sa pagsailalim sa General Community Quarantine sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan.
Samantala, hiling naman nito ang pagdarasal ng bawat isa sa agarang pag-recover ng mga naturang COVID-positive.
Nakapagtala na rin ng pinakaunang nagpositibo sa COVID-19 ang Ligao City sa pamamagitan ng 56-anyos na babaeng health worker.
Pawang nasa isolation facility na ang mga ito habang nagpapatuloy ang contact tracing.
Umakyat na sa 38 ang kabuuang nagpositibo sa sakit sa Bicol, 26 ang nakarecover at apat ang nasawi.