LEGAZPI CITY- Matapos ang ilang buwan na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon ay ibinaba na ang alerto nito mula sa alert level 3 patungo sa alert level 2 o moderate level of unrest.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, apat na rason ang pinagbatayan kabilang ang pagbaba ng bilang ng volcanic earthquake, halos pagkawala ng lava flow, paghupa ng pamamaga ng bulkan at pagbaba ng sukat ng sulfur dioxide.
Ilang linggo din aniya na binantayan ang mga parametro ng naturang bulkan.
Subalit nilinaw ng opisyal na kahit pa ibinaba na ang alerto ng bulkan ay hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaroon ng biglaan na pagputok nito o pagkakaroon ng pyroclastic density current.
Iginiit ni Alanis na mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km permanent radius danger zone. Samantala, dagdag pa nito na kung magkakaroon ng muling pagtaas ng aktibidad ng Mayon Volcano ay maaari pa ring itaas ang alerto nito.