LEGAZPI CITY – Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang posibilidad ng pagkakaroon ng lahar dahil sa nararanasang pag-uulan sa probinsya ng Albay.
Ngunit sa kabila nito, nilinaw ni PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung pagbabasehan ang rainfall amount ay hindi pa ito sapat upang itulak pababa ang mga volcanic materials at mauwi sa lahar.
Samantala, sa ngayon ay malabo pa ring maibaba ang alert status ng bulkan dahil patuloy pa ring nakakapagtala ng mga aktibidad, kagaya ng ashfall event o pagbuga nito ng abo nitong Lunes.
Habang kahapon lamang ay nakapagtala ng 43 rockfall events, apat na volcanic earthquake at nananatili pa ring nasa Alert Level 3 ang status.
Aniya, ngayong Nobyembre ay ang pang-limang buwan nang nasa-‘high level of unrest’ ang bulkang Mayon at ito na ang pinakamatagal sa kasaysayan nitong bulkan.
Dail dito, may tyansa pa ring mag-alburoto, habang dahil sa kasalukuyang panahon, pinayuhan ni Alanis ang mga residente sa palibot ng bulkan at mga kabahayan na malapit sa ilog na maging alerto sakaling magkaroon nga ng lahar.