LEGAZPI CITY – Maglalagay na rin ng thermal scanner sa mga entry point sa lalawigan ng Albay upang makaiwas sa pinangangambahang pagpasok ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD).
Sa isinagawang press conference ng provincial government, inihayag ni Governor Al Francis Bichara na bibili ang lalawigan ng thermal scanner.
Nagkakahalaga umano ng P154, 000 ang bawat yunit kaya’t apat ang bibilhin habang nakatakdang bumuo ng task force ang Albay na pangungunahan ng Provincial Health Office.
Pangunahing tututukan ng task force ang mga paliparan sa tulong ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), bus terminal habang may mga iikot rin sa mga pampublikong lugar.
Plano naman ng opisyal na sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ilagay kung magkaroon ng persons under investigation (PUIs) upang mas mabilis ang pag-aksyon sa mga ito.
Iginiit naman ni Bichara na nananatiling “zero NCoV”.