LEGAZPI CITY – Target ng pamahalaang panlalawigan ng Albay na maisama ang Bulkang Mayon sa listahan ng National Commission for Culture and the Arts bilang isang World Heritage site.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dorothy Colle, ang head ng Albay Provincial Tourism, Culture and Arts Office, taong 2017 pa sinubukan ng provincial government na maisama ang bulkan sa prestihiyosong listahan subalit hindi nagtagumpay dahil hindi pasok sa criteria.
Kabilang sa mga criteria na ito ay ang kumpletong mapa ng Bulkang Mayon, management plan para sa tourist attraction at impluwensya ng bulkan sa kultura sa lalawigan.
Para matugunan ito, nakikipagtulungan na ang Tourism office sa National Commission for Culture and the Arts na ngayong linggo lamang ay bumisita sa lalawigan ng Albay upang makita ang bulkang Mayon.
Tiniyak ni Colle na gagawin ng kanilang tanggapan katuwang ang pamahalaang panlalawigan at mga ahensya ng gobyerno ang lahat ng makakaya upang maisama sa World Heritage list ang Mayon at mas maipakilala sa buong mundo.