LEGAZPI CITY – Pinalakas pa ng Albay Provincial Health Office ang pagbabantay at alerto sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19) kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 24 ang kumpirmadong nagpositibo habang may kaso na ng local transmission.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Health Office head Dr. Antonio Ludovice, apat na teams umano ang naka-mobilize at may standby substitute teams.
Kabilang sa mga priority areas na binabantayan ang mga pantalan, paliparan at iba pang entry and exit points sa lalawigan habang may mobile teams na nakatalaga sa mga malls at iba pang matataong lugar.
Kumpiyansa si Ludovice na ligtas pa ang lalawigan sa ngayon subalit mas maigi na aniyang talakayin na ang mga preventive and mitigating measures sa “worst-case scenario”.
Nasa consolidation ngayon ang mga ahensya sa health resources kagaya ng isolation wards, personal protective equipment at iba pang gamit sa pag-iwas sa sakit.
Napag-alaman na may walo lamang na beds ang isolation ward ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) kaya’t makikipag-meeting sa iba pang tanggapan upang makagbigay ng ayuda sa pagsagot sa kakulangan.