LEGAZPI CITY- Tiniyak ng provincial government ng Albay na maayos na naipapaabot ang mga cash donations na para sa mga residenteng lumikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ngayong linggo lang ng magpaabot ang provincial government ng Masbate ng nasa P2.5 milyon na tulong pinansyal para sa mga evacuees.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Government Admin Aide 1 Lorena Quising, aminado ito na halos kulang na ang pondo ng provincial government lalo pa’t mahigit sa isang buwan na ang abnormalidad ng bulkan.
Subalit ipinagpapasalamat na lamang nito na tuloy-tuloy pa rin ang mga cash donations na natatanggap ng Albay mula sa ibang mga lalawigan.
Ito umano ang pinaghahati-hati at ibinibigay sa mga local government units upang maipambili ng mga ayudang kailangan ng mga evacuees.
Nilinaw rin ni Quising na ang mga bayan ng Camalig at Malilipot ang nakakatanggap ng mas malaking parte ng cash donations dahil ito ang may mas mababang quick response fund kung kaya mas nangangailangan rin ng tulong pinansyal.
Samantala, nagdagdag pa ngayon ang mga lokal na gobyerno at Philippine National Police ng checkpoints sa paligid ng Bulkang Mayon upang pigilan ang mga magbabalak pa rin na pumasok sa 6km permanent danger zone.