LEGAZPI CITY – Nakatalaang ilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ngayong araw, Hulyo 7 ang ‘Key departments’ na magtutulungan para sa mas organisadong disaster response at pamimigay ng mga ayuda sa mga residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Cedric Daep, APSEMO Chief, bubuohin ng 11 working clusters ang naturang mga departamento na itatalaga upang tingnan ang sitwasyon sa lahat ng evacuation centers, habang patuloy ang aktibidad ng bulkang Mayon at maging sa mga isasagawang operasyon sa ‘Post-eruption’ o kung sakaling tumigil na ang pag-alburuto.
Ilan sa mga clusters ay ang agriculture, livelihood and economics, security and protection clusters, health clusters, water sanitation hygiene, nutrition clusters, registry, at ang environment and tourism clusters.
Ngayong araw ang nakatalaang pag-formalize ng plano na ipapasailalim ng dating Executive Order No. 33. o ang pagbuo ng Disaster Response Desk para sa mga dumadating na mga tulong mula sa National Government Agencies (NGAs), Non-Government Organizations (NGOs), Local and International Organizations, at maging sa mga pribadong sektor.
Aniya, layunin ng plano na mas maging organisado, at walang mangyaring hindi pagkakaunawaan o problema pagdating sa pamimigay ng tulong o ayuda at upang maging “transparent”.
Dagdag pa ng opisyal, nasa mandato at ‘align’ sa International executive order ang ‘key departments na layuning mapadali ang proseso ng lahat ng tulong na dumarating sa bansa.
Samantala sa pinakahuling tala ng Office of the Civil Defense-Bicol, 5,768 na mga pamilya ang apektado ng abnormalidad ng bulkang Mayon o katumbas ng mahigit 20,000 na mga indibidwal.