
LEGAZPI CITY – Patuloy na binabantayan ng Albay Provincial Agricultural Office (APAO) ang mga magsasaka at mangingisdang apektado ng bagyong Crising at Habagat.
Sinabi ni Albay Provincial Assistant Agriculturist Daryl John Buenconsejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naghihintay sila ng mga ulat mula sa Local Government Units hinggil sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa lalawigan.
Walang pagod din silang nakipag-coordinate para alamin ang sitwasyon ng mga sektor na ito matapos ang malakas na ulan.
Hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na tumaas ang presyo ng gulay lalo na kung maaapektuhan din ang mga pananim ng mga magsasaka.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na wala silang napansing pagtaas base sa kanilang lingguhang monitoring sa mga lokal na pamilihan.
Bukod sa mga gulay aniya, napansin din nila ang pagtaas ng presyo ng isda dahil sa epekto ng hanging habagat sa karagatan.
Pinayuhan ng kanilang tanggapan ang mga mangingisda sa lalawigan na magparehistro sa kanilang tanggapan at huwag subukang maglayag kapag masama ang panahon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Tiniyak din ni Buenconsejo sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Albay na patuloy silang makikipag-ugnayan para alamin ang kanilang sitwasyon ngayong tag-ulan.