LEGAZPI CITY- Patuloy na iniimbestigahan ngayon ng mga kapulisan kung maituturing na election related incident ang nai-ulat na harassment sa isang barangay official sa Barangay San Vicente sa bayan ng Daraga, Albay.
Ayon kay Albay Police Provincial Official Office Provincial Director Police Colonel Julius Añonuevo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naaresto ng mga kapulisan ang apat na mga kalalakihan na sangkot sa insidente.
Nabatid na nakumpiska sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng mga baril.
Ayon sa opisyal na hindi residente ng Daraga ang naturang mga armadong kalalakihan kaya patuloy na inaalam kung ano ang mobito ng mga ito at kung sino ang nasa likod ng umano’y harassment.
Matatandaan kasi na nagdala ng takot sa mga residente ang pangyayari lalo pa at nagpapatuloy ang halalan sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, nanawagan si Añonuevo na iwasan muna ang pagpapalabas ng anumang espekulasyon lalo pa at nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, pinaghahanap pa ng kapulisan ang dalawa pa umanong kasamahan ng mga suspek na nakatakbo ng magsagawa ng operasyon ang mga otoridad.