LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang mga kapulisan ng Albay Police Provincial Office para sa pagsiguro ng katahimikan sa lalawigan kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw.

Nabatid kasi na may ilang mga progresibong grupo ang magsasagawa ng mga kilos-protesta sa ilang bayan sa lalawigan.

Ayon kay Community Affairs and Development Unit Assistant Chief Police Major Genevieve Oserin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na magpapatupad sila ng maximum tolerance sa naturang mga grupo.

Iginiit ng opisyal na malaya ang sinuman na magpahayag ng kanilang mga opinyon at paniniwala, subalit kinakailangan aniya na masiguro na magiging matiwasay ang isasagawang mga aktibidad.

Sa kabila nito ay mananatili umanong naka alerto ang mga kapulisan sa lalawigan kasabay ng naturang mga aktibidad.

Samantala, nanawagan naman si Oserin sa mga grupo na magsasagawa ng pagkilos na siguraduhin lamang na hindi magkakaroon ng anumang kaguluhan kasabay ng kanilang aktibidad.