LEGAZPI CITY – Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Albay Police Provincial Office na tututok sa paglutas ng kaso sa pamamaslang sa tatlong aspirants mula sa Donsol, Sorsogon.

Tumambad sa mga otoridad sa isang ukay-ukay store sa Brgy. Busay, sa Daraga ang katawan ni incumbent Municipal Councilor Helen Garay na tumatakbong bise-alkalde sa Donsol at Karen Averilla at Xavier Mirasol na pawang tumatakbong konsehal.

Sinabi ni PLtCol. Bogard Arao, hepe ng Daraga Municipal Police Station sa pulong sa mga kagawad ng media, tiwala umano ito sa agarang pagresolba sa kaso lalo pa’t may testimonya na ng survivor sa krimen, nire-review na rin ang kuha ng CCTV malapit sa lugar kung saan nakuha ang mga bangkay, ilan pang testigo gayundin, hawak na maging ang itinuturong suspek.

Si Peter Joemel Advincula, alyas Bikoy ang itinuro ng survivor at aspirant na si Lalaine Amor na pinakahuling nakaugnayan ng mga biktima bago matagpuang patay.

Mismong si Bikoy din umano ang personal na nagtungo at nagsabi sa mga pulis na nakita ang tatlong duguang bangkay sa ukay-ukay store.

Binigyang-diin nito na maituturing na isolated case lamang ang nangyari lalo pa’t maigting aniya ang pagbabantay ng kapulisan.

Samantala, hiniling na rin ang tulong ng NBI maging ang pagsailalim sa Witness Protection Program ng mga testigo.