LEGAZPI CITY- Posibleng maideklara ang state of calamity sa lalawigan ng Albay sa gitna ng nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Ito ay kaugnay ng isasagawang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan bukas.
Ayon kay Albay Governor Noel Rosal na una ng nanawagan ang ilang mga local chief executives sa mga apektadong lokal na pamahalaan upang mas mabilis na magamit ang pondo na kinakailangan para sa mga apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Paliwanag ng gobernador na kung maitataas pa sa alert level 4 ang bulkan ay tinatayang aabot sa 70,000 ang mga posibleng ilikas na residente.
Sa kabila nito ay kumpiyansa ang opisyal na makakayang suportahan at pangalagaan ng pamahalaang panlalawigan ang naturang mga Albayano.
Samantala, muling nagpaalala si Rosal sa ilang mga personalidad na iwasan ang anumang uri ng personal-branding o self-promotion sa government-funded projects o anumang mga aktibidad na gumagamit ng pondo ng pamahalaan.











