LEGAZPI CITY – Isinasapinal na ngayon ng lalawigan ng Albay ang planong pag-ban ng ruminants mula sa Marinduque at Pampanga kaugnay ng pagtatala ng kaso ng Q fever.
Ayon kay Albay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit pa sinabi na ng Department of Agriculture na contained na ang Q fever sa naturang mga lalawigan ay kinakailangan pa rin ng mga paghahanda.
Kabilang sa naturang ruminants na nais na pansamantalang ipagbawal ay ang mga kambing, tupa, baka, kalabaw at iba pa.
Dagdag pa ng opisyal na may mga small ruminant raisers sa lalawigan kaya malaking populasyon rin ang posibleng maapektuhan kung makapasok sa Albay ang naturang sakit.
Ang Q fever ay isang sakit na dulot na bacteria na posibleng makahawa mula sa hayop patungo sa tao.
Subalit sinabi ni Mella na mayroon namang mga antibiotics na posibleng maka gamot sa naturang sakit.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pa namang dapat ikabahala ang publiko subalit mas mainam na aniya ang maagang paghahanda.