LEGAZPI CITY – Nagpatawag na ng meeting ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa Albay para sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APSEMO Head Dr Cedric Daep, posibleng sa susunod na buwan ay maramdaman na ang matinding epekto ng EL Niño na posibeng tumagal hanggang sa first quarter ng 2024.

Inilatag na ng mga ahensya ang mga posibleng sitwasyon at epekto ng matinding tag-init partikular na sa kalusugan at katawan ng tao, agrikultura, mga magsasaka, hayop at maging ang kakulangan ng supply ng tubig.

Kaugnay nito, naghahanda an rin ang Department of Agriculture, Provincial Health Office, Provincial Engineering Office at Provincial Veterinary Office.

Aniya, importante na mayroong mga countermeasure upang agad na maiwasan ang epekto ng nasabing phenomenon.

Samantala, mayroon na ring binubuong executive order para sa pagsasagawa ng Provincial El Niño Task Force at Water Regulatory Board upang mapaghandaan ang epekto ng matinding init ng panahon.

Panawagan ni Daep sa publiko iwasan muna ang pagbibilad sa araw lalo na sa tanghali hanggang hapon, magsimula na rin aniyang mag-imbak ng tubig at magtanim habang nagkakaroon pa ng pag-ulan.