LEGAZPI CITY- Nakatutok ang Albay Provincial Committee on Anti Trafficking and Violence Against Women and Their Children sa pagbibigay proteksyon sa mga kababaihan na nakakaranas ng pang-aabuso at karahasan.
Ayon kay Albay Provincial Social Welfare and Development Office head Maria Vivien Cea na seryosong problema pa rin ang pagkakaroon ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan.
Dahil dito ay patuloy ang kanilang advocacy campaign at pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa karapatan ng mga kababaihan.
Ang mga nagsusumbong umano sa mga otoridad ay patunay lamang na mas marami ng abuse victims ang nakaka-unawa ng kanilang mga karapatan.
Maliban pa sa mga advocacy campaign ay nag-aalok rin ang ahensya ng mga livelihood programs at rehabilitation para sa mga matindi ang naranasang pang-aabuso at dumadaan sa trauma.
Samantala, siniguro ni Cea na nagbibigay rin sila ng legal assistance para sa mga nais maghain ng reklamo laban sa mga abusers.
Dagdag pa ng opisyal na kahit pa mahabang panahon pa ang kinakailangan bago tuluyang masugpo ang problema sa pang-aabuso sa mga kababaihan ay nais nila na paunti-unti itong malutasan.