LEGAZPI CITY- Muling nagpatupad ng paghihigpit sa border control checkpoints ang lalawigan ng Albay.

Ito matapos na kumpirmahin ng Department of Agriculture Bicol na apat na mga bayan sa lalawigan ng Catanduanes ang nakapagtala ng outbreak ng African Swine Fever.

Ayon kay Albay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit pa malayo na sa lalawigan ang naturang island province, hindi pa rin isinasawalang bahala ang posibilidad na mayroong maipuslit na mga live at pork products.

Regular naman umano ang isnasagawang inspeksyon sa mga pantalan at sinisigurong mayroong mga dokumento ang mga iba-biyaheng hayop bago ito maisakay sa mga barko.

Sa kabila nito ay sinabi ni Mella na isa sa kanilang mga binabantayan ay ang mga karne na posibleng ibiyahe patungo sa Albay.

Paliwanag nito na ang mga sariwang karne ay posibleng maging source ng infection na maaring kumalat sa iba pang mga lugar.

Samantala, una ng sinabi ng Department of Agriculture Bicol na nagpapaabot na ito ng tulong sa mga hog raisers sa Catanduanes na naapektuhan ng African Swine Fever.