LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng pinakamababang poverty incidence sa Bicol ang lalawigan ng Albay para sa taong 2021, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Office 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpip kay PSA Bicol Chief Statistical Analyst Danilo Luceña, nasa 15.4% ang poverty incidence among families na naitala sa lalawigan.

Nangangahulugan ito ng pag-abot sa mga pangangailangan sa basic food at non-food needs ng pawang household.

Sa lalawigan naman ng Camarines Sur ang may pinakamataas na poverty incidence sa rehiyon sa 29.8%, Sorsogon sa 21.7% at Masbate sa 20.2%.

Sa buong Bicol, nasa 21.9% ang poverty incidence na tumaas ng 1.9% kumpara sa datos sa kaparehong panahon noong 2018.

Isang taon ang isinagawang survey ng ahensya simula noong Enero hanggang Hunyo at Hulyo hanggang Disyembre 2021 na base sa family income and expenditure surveys ng naturang taon.

Ayon pa kay Luceña, posibleng naapektuhan ang naturang data sa pagtaas ng kita at sa mismong pandemya. Ipapasa naman ang naturang data sa policy-makers upang pagbasehan ng mga programa at polisiya na kinakailangang ipatupad.