LEGAZPI CITY – Magpapatupad ng preventive expanded evacuation ang Albay simula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-4:00 ng hapon ngayong araw para sa mga residenteng nasa banta ng pagbaha, flashflood, landslide, lahar, storm surge at pagbayo ng hangin.

Bahagi ito ng paghahanda sa magiging epekto ng Bagyong Rolly na inaasahang magdadala ng malakas na hangin at buhos ng ulan.
Paalala pa rin ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ang pagsunod sa health safety protocols sa COVID-19 sa mga evacuation centers na nasa 50% capacity lamang ang gagamitin.

Early dismissal naman ang ipapatupad sa mga tanggapan bago mag-alas-4:00 ng hapon habang suspendido ang mall operations at iba pang business establishments bukas, Nobyembre 1.

Maging ang emergency at disaster operations center mula sa mga barangay hanggang sa mga lokal na pamahalaan ay activated na rin.

Samantala, pinag-iingat naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residente dahil posibleng makapagpadausdos ng lahar deposits ang malaking volume ng ulan na dadalhin ng sama ng panahon.

Nakaimbak umano ang karamihan sa mga ito sa Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud Channels subalit maaari ring maibaba ang deposits sa iba pang ilog.

Sa Sorsogon, umabot na sa 774 pasahero ang naantala ang biyahe sa mga pantalan ng Matnog at Pilar kasabay ang nasa 376 na trucks, tatlong light vehicles at anim na barko batay sa latest report ng Coast Guard District (CGD) Bicol.

Mahigpit rin ang paalala sa “No Sailing Policy” sa lahat ng uri ng sasakyang-pandagat.

Maalalang sa pananalasa ng Bagyong Quinta sa Bicol, ilang mangingisda ang pumalaot at napadpad sa ibang lugar matapos na hampasin ng malalaking alon at hangin sa gitna ng karagatan.