LEGAZPI CITY- Isinailalim na sa State of Calamity ang lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na epekto ng Tropical Storm Kristine.
Nagpalabas ngayong hapon ng abiso ang nasabing lalawigan dahil sa maraming lugar na ang nakakaranas ng mga pagbabaha at pagguho ng lupa.
Ang nasabing deklarasyon ay makakatulong upang magbigay ng suporta sa mga apektadong residentes lalo na sa mga evacuees.
Samantala, nakabantay na rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa posibleng pagkakaroon ng lahar kung magpapatuloy pa ang mga pag-ulan sa Albay.
Ayon kay Dr. Paul Alanis ang resident volcanologist ng Phivolcs sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kaninang alas 11 ng tanghali ay wala pa umano etong namonitor na lahar event pero may mga signal na silang nadetect sa may parte ng Barangay Anoling, Camalig, Albay kung saan kadalasan ay pagdaloy palang ng tubig ang kanilang nakikita.
Sa ngayon ay umabot na ng 1,917 na pamilya o may katumbas na 2,354 na indibidwal ang apektado ng naturang bagyo.
Umakyat na rin sa 195 na pamilya o katumbas ng 740 indibidwal ang nagsilikas na mula sa lalawigan ng Camarines Sur, Masbate, Catanduanes, Camarines Norte at Naga City.
Samantala patuloy pa rin ang isinasagawang force evacuation sa lalawigan ng Albay.