LEGAZPI CITY – Hindi pa inirerekomenda ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ang pagdedeklara ng state of calamity sa kabila ng epekto ng El Niño sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Cedric Daep ang chief ng APSEMO, kinukumpirma pa sa ngayon ng kanilang opisina ang mga report na ilang taniman na sa 3rd district ang natuyo at nagkabitak-bitak ang lupa dahil sa matinding init ng panahon.
Nilinaw ni Daep na kailangan na may sapat munang basehan bago ideklarang nasa state of calamity ang isang lugar dahil sa El Niño.
Kailangan umano na nasa 30% na ng populasyon ang apektado ang kabuhayan ng tagtuyot, wala ng mapagkukunan ng suplay ng tubig at kung nakasama ang isang lugar sa mga ideneklara ng statPAGASA na naapektohan ng El Niño.
Ayon kay Daep, sa ngayon wala pa naman sa ganitong sitwasyon ang lalawigan dahil nakakapagtala pa ng mga pag-ulan.
Subalit tiniyak naman ng opisyal na tinutotokan na ng gobyerno ang epekto El Niño sa mga residente habang nakahanda naman na tumulong kung kinakailangan.