LEGAZPI CITY – Nagkasundo na sina Albay Governor Grex Lagman at mga alkalde ng Guinobatan at Sto. Domingo patungkol sa isyu ng mga evacuees kaugnay pa rin ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Una rito nagkatensyon sa pagitan nina Governor Lagman, Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia at Sto. Domingo Mayor Jun Aguas matapos na palikasin ng mga alkalde ang mga residenteng labas pa sa 6km permanent danger zone ng bulkan na wala umanong koordinasyon sa provincial government.
Ngayong araw ng magsagawa ng close door meeting ang mga opisyal sa provincial capitol upang pag-usapan ang isyu.
Ayon kay Governor Lagman, napagkasunduan sa kanilang pag-uusap na papauwiin na lang ang ibang mga evacuees na lumikas mula sa Sto. Domingo subalit bibigyan pa rin ang mga ito ng food packs.
Habang wala namang mangyayaring decampment sa bayan ng Guinobatan kung saan pinayagan na ng gobernador ang pananatili sa evacuation centers ng mga nasa labas ng 6km permanent danger zone alinsunod na rin sa nauna ng kautosan ni Mayor Garcia.
Humingi naman ang gobernador ng pasensya sa dalawang alkalde kung saan inamin nito na mas mabuti sanang kinausap na lang ang mga mayor imbes na magpadala ng pormal na sulat upang hindi na sana lumaki pa ang isyu.
Sabay sabay naman na nangako ang mga opisyal na patuloy na tutotokan ang sitwasyon ng bulkan at mananatili pa rin na prayoridad ang kaligtasan ng mga residente.
Maaalalang nagdesisyon ang alkalde ng Sto. Domingo magpatupad ng evacuation sa mga residenteng nakatira sa 7km extended danger zone dahil na rin sa pangamba ng mga ito sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Pinalikas naman ni Guinobatan Mayor Garcia ang mga residente sa Barangay Maninila at Tandarora dahil sa pangamba na magkaroon ng lahar matapos na matabunan na ang malaking ilog na dating dinadaloyan ng mga volcanic materials mula sa bulkan.