
LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng Albay Electric Cooperative ang pagpapatupad ng temporary shutdown sa mga lugar sa lalawigan kasunod ng pagtaas ng alert level 3 sa bulkang Mayon.
Ayon kay Albay Electric Cooperative Spokesperson Anj Galero sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na layunin ng temporary power shutdown na masiguro na hindi maaapektuhan ang mga electrical facilities sa paanan ng bulkang Mayon.
Nagpapatupad rin umano ng No-Work Policy sa mga lugar na nasa loob ng 6km permanent danger zone.
Kabilang dito ang Purok 4 hanggang Purok 7 ng Barangay Anoling, Purok 7 sa Barangay Sua at ilang bahagi ng Purok 6 at Purok 7 sa Barangay Quirangay sa bayan ng Camalig.
Apektado rin ang Purok 1 hanggang Purok 7 ng Barangay Magapo, Purok 1 ng Barangay Buang, Purok 7 ng Barangay Mariroc (Nagsigpit), gayundin ang Purok 7 ng Barangay Oson at Purok 7 ng Barangay Buhian sa lungsod ng Tabaco.
Sinabi ni Galero na pinangangambahan ang pagkakaroon ng epekto ng volcanic debris sa mga distribution equipment.
Nabatid na ang naturang hakbang ay naipaabot na rin sa mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ng opisyal na hinintay muna na mailipat sa evacuation centers ang mga apektadong residente bago ipinatupad ang naturang temporary power shutdown.









