LEGAZPI CITY – Nagpalabas ng kautusan si Albay Acting Governor Glenda Bongao na ilagay sa half-mast ang bandila ng bansa sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan at pampublikong lugar sa lalawigan bilang pagbibigay pugay at respeto sa namaalam na si First District Representative Edcel Lagman.

Matatandaan na kinumpirma ng pamilya Lagman na binawian na ng buhay ang batikang mambabatas kahapon.

Batay sa kautusan ay sisimulan ang half-mast ng bandila sa Pebrero 3, 2025 hanggang Pebrero 7, 2025.

Ang naturang kautusan ay magsisilbing senyales ng pagluluksa at pag-alala sa namaalam na kongresista.

Matatandaan na una na ring kinumpirma ni Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro na planong i-uwi ang labi ni Congressman Lagman sa lalawigan ng Albay sa Pebrero 2 hanggang Pebrero 5 bago muling dalhin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.