LEGAZPI CITY- Tila hindi naman umano gaanong naapektuhan si US President Donald Trump sa nangyaring pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Luisa Milone na nagawa pang humarap ng pangulo sa publiko, ilang oras matapos ang naturang pamamaril.
Aniya nakatakda sanang mag-ulat si US President Trump ng mga akompishimento ng kaniyang administrasyon sa harap ng White House Correspondents.
Matatandaan na agad naman na naaresto ang suspek na nakilalang si Cole Tomas Allen.
Sinabi ni Milone na batay sa mga pag-uusap sa Estados Unidos, tila hindi nagugustuhan ng maraming cartel at iba pang mga grupo ang paraan ng pamamalakad ni Trump sa naturang bansa.
Dagdag pa nito na makailang ulit na rin na nagkaroon ng mga banta sa buhay ng pangulo ng Amerika, subalit sa kasalukuyan aniya ay patuloy pa rin na iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente.
Samantala, wala naman umanong dapat ikabahala dahil balik na sa normal ang kasalukuyang sitwasyon.











