LEGAZPI CITY- Aminado ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol na malaking hamon para sa pamahalaan ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga mangingisda sa bansa.
Idagdag pa aniya dito ang mga nagkaka-edad ng mangingisda na posibleng magkaroon ng epekto sa food security ng bansa.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol Regional Director Ariel Pioquinto sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ito ang dahilan kaya patuloy ang kanilang pagsusulong na mapangalagaan ang mga nasa sektor ng pangingisda.
Paliwanag ng opisyal na kinakailangan na magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga local fisherfolks upang masiguro ang stability ng kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, sinabi ni Pioquinto na napapanahon na ang pagbibigay ng mga bagong teknolohiya sa mga mangingisda upang maabot ang target production ng mga isda at iba pang yamang dagat.
Aniya, kasabay ng pagkakaroon ng bagong mga teknolohiya ay mahalaga ring masiguro na napapangalagaan ang mga natural resources sa bansa lalo pa at mahirap na maka-recover ang mga ito kung sakaling mapinsala.
Dagdag pa ng opisyal na patuloy na dumarami ang populasyon sa Pilipinas subalit nananatiling walang pagbabago sa resources kaya dapat na balansehin sa pamamagitan ng ecosystem management.